Saturday, 25 September 2010

Sino Baga Sila?

Ang Mga Qahal na kung liliwanagin ay Ang Mga Pinili / Hinirang, Ay binubuo ng mga taong nakakilala at sumasampalataya sa Kataastaasan at sa Kaniyang Banal Na Pangalan. Sapagka't hindi maikakaila na bagama't maraming mga Pangngalang Hayag o Titolo ang natuklasan na niyaong mga Pantas / Scholars patungkol sa Kaniya, (Mateo 11:25) Ay hindi mapasusubalian na may Isang Tangi at Personal na Pangalan (Kawikaan 30:4) Ang DIOS[Ul] na Ating Poong Sandigan. At Ito ay nararapat na ating hanapin, tuklasin, kilalanin, at ingatan.Tulad sa isang natatago at pinakamahalagang kayamanan. (Awit 138:2 ; Mateo 13:44) At iyan ang Kanilang tunay na layunin, (Samakatuwid baga'y ang mithiin ng mga hirang) ang ipakilala sa pamamagitan ng Mabuting Balita Ang Makapangyarihan sa mga Dios o sa madaling salita ay ang DIOS ng mga dios at ang Kaniyang Maluwalhati at Kakila-kilabot na PANGALAN. Gaya ng nasusulat, Ang "ISANG DIOS" na hindi kilala ang siya ngang ipinakikilala. (Gawa 17:23)

Hindi isang relihiyon o/at walang sektang kina-aaniban:
Sapagka't sila ay nananatiling ka-anib at hindi pa ngà humihiwalay sa Relihiyong kanilang kinagisnan, Na bagama't mangagkakasama sa pag-aaral patungkol sa katotohanan; Ay magkakaiba ang kani-kanilang samahang panrelihiyon ayon sa laman. Ano nga kung gayon? Sa halip ay pinagtibay nila ang kanilang relasyon at pananampalataya sa Iisang Ulòng-MAYKAPAL Na tinatawag ngà nating DIOS, Matapos na SIYA ay makilala nila sa pangalan at sa kung ano nga baga Siya. Hindi sila nag-aangkin na sila ang tanging pinili o sila ang tinatawag na Iglesia ng DIOS; kundi sila ay nananalig na matibay na sila ay napa-anib o nakabilang sa Congregasyong itinalaga ng Dios noon pa mang una. Naging kasama sa pamamagitan ng biyayang kusang kaloob niya sa kaniyang mga minagaling, na ang palatandaan ay ang pagkahayag sa kanila ng pangalan ng Panginoon sa tulong ng tinatawag na Espiritù Santo. Bakit at papaano Sila maituturing na magkaka-sama, o higit pa ngà ay magkakapatid? Katugma ng binabanggit sa Filipos 2:2, Sila ay nagkakaisa ng kaisipan patungkol sa Dios at sa kaniyang pangalan, kung kaya masasabing pinagbuklod Nang Banal Na MAKAPANGYARIHAN ay sa dahilang iisa ang Pangalang Kanilang natuklasan, iisa ang Panginoon na kanilang kinikilala at iisa ang Ama na kanilang itinuturing. (Apocalipsis 2:17) Na ito ay nasumpongan nila sa pamamagitan ng kanilang Mataimtim at Masidhing pagbubulay sa mga Tunog na naririnig (1Corinto 14:10-11 ; Exodo 34:27 ; Hebreo 12:19) sa Kalikasan at sa tulong ng mga talatang natutunghayan sa Banal na Kasulatan at gayon din kasuwato ng nabanggit na, ay sa udyok nang Ruqhà Hòl Qadesh[Banal na Espiritu] ng Dakilang "AKONGA", Samakatuwid ay nang Mahal Nating Manlilikhà ang Tinatawag sa Tagalog na BATHALA. (Deuteronomio 29:29) Kaya naman kung tunay na iyong nababatid at kinikilala ang Banal na Pangalan ng Dakilang Maylalang o sumasampalataya na mayroon siyang isang natatangi na Maluwalhating Pangalan (Awit 9:10), Walang pag-aalinlangan na isa Ka sa Mga Qahal Uluhah ang yaon ngang Pinili ng Maylikha (1 Tesalonica 1:4 ; 1Pedro 2:9) Na tinatawag ding Mga Bagong Propeta o ang mga nasa Ministerio sa Kawan ng Messiyàh; Maging ikaw man ay kabilang sa ibang Kawan (tinatawag na Iglesia) na kung liliwanagin sa Hebreo ay Edah o hindi Ka isang Relihiosong Tao, Sapagkat marami ang mga tinawag datapuwa't kakaunti ang mga hinirang (Mateo 20:16).


QAHALULUHAH = ANG PINILI NANG DIOS NA ANG PANGALAN AY IPINAHAYAG NG ANAK NG TAO.
Ang salitang Uluhah naman ay galing sa salitang Hebreo na Eloha na ang isang pang-isahang salita na tumutukoy sa Dios.
Ang salitang Dios / God ay ginagamitan din ng Salitang El sa wikang Hebreo sapagka't ang mga salitangElohim o Eloha ay nagugat sa salitang ito ang El.
Subalit ang salitang El ay nagugat sa salitang Ul kung kaya ginamit ang pamamaraan sa pagbigkas ng mga katagang Uluhah, sapagkat yaon ang kaniyang tunog na pinag-mulan.
Kaya sa ganitong pangyayari nabuo ang salitang Qahal'Ul'Uhah, 
PINAGMULAN NG SALITA:





Ang salitang Qahal ay galing sa wikang Hebreo na nangangahulungang ang pinili o ang kawan karaniwan ng itinutumbas sa salita nating Iglesia.
Hebrew for H6951
Transliteration = qahal
Pronunciation = kä·häl' (Key)
Part of Speech = Masculine noun
Outline of Biblical Usage
1) assembly, company, congregation, convocation
a) assembly
1) for evil counsel, war or invasion, religious purposes
b) company (of returning exiles)
c) congregation
1) as organised body

Hebrew for H433
Transliteration = 'elowahh
Pronunciation = el·o'·ah (Key)
Part of Speech = Masculine noun
Outline of Biblical Usage
1) God
2) false gods

Hebrew for H410
Transliteration = 'el
Pronunciation = āl (Key)
Part of Speech = masculine noun
Outline of Biblical Usage
1) god, god-like one, mighty one
a) mighty men, men of rank, mighty heroes
b) angels
c) god, false god, (demons, imaginations)
d) God, the one true God, Jehovah
2) mighty things in nature
3) strength, power

Hebrew for H193
Transliteration = 'uwl
Pronunciation = ül (Key)
Part of Speech = masculine noun
Root Word (Etymology) = from an unused root meaning to twist, i.e. (by implication) be strong
TWOT Reference = 45a
Outline of Biblical Usage
1) prominence
a) body, belly (contemptuous)
b) nobles, wealthy men
Authorized Version (KJV) Translation Count — Total: 2
AV — mighty 1, strength 1

Ang Uhah ay tunog naman; Ang likas na paraan ng wagas na pagpuri sa pangalan ng Panginoon. Gaya ng sinasabi ng Bibla.
Awit 149:6 Malagay nawa sa kanilang bibig ang pinakamataas na pagpuri sa Dios, at tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay;
Awit 48:10 Kung ano ang iyong pangalan, Oh Dios, gayon ang pagpuri sa iyo hanggang sa mga wakas ng lupa; ang iyong kanan ay puspos ng katuwiran.
Mateo 21:16 - At sinabi nila sa kaniya, Naririnig mo baga ang sinasabi ng mga ito? At sinabi sa kanila ni Jesus, Oo: kailan man baga'y hindi ninyo nabasa, Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong nilubos ang pagpupuri?

Ang tatlong salitang Qahal, Ul at Uhah.

Hebreo Qahal = Kahulugan Iglesia (H6951)
Hebreo Ul = Kahulugan DIOS (H193)
Katutubong wika Uhah = Pagpuri sa pangalan ng Dios. (Septuagint: Psalm 8:2)




Pa-unang Pananalita

Ang pag-aaral tungkol sa DIOS ay lubhang napakaselan, Sapagka't sa bawat usapin dito'y nakasalalay ang kinabukasan ng ating mga Kaluluwà Maraming katuruan at maraming nag-aangking sila ay mga tagapagturo, subalit mapupunang ang mga ito ay lagingnangagkakasalungatanBakit? Sapagka't sa dalawang malaking kadahilanan ay nangyayari at hindi maiwasan ang ganitong mga bagay. Una ay ang makasarili / ang pansariling mithiin ng isang tagapagtayo ng isang Relihiyon o ang pinuno nito. Hindi nagbabago ang kaniyang pamamaraan... Babasahin niya ang isang talata sa Kasulatan at kasunod niyaon ay ang mga pagpapaliwanag niya na galing sa sariling interpritasyon o pagpapakahulugan na sumusuhay sa layunin ng kaniyang samahan o ang kaniyang pansariling layunin at hindi ang tunay na ipinahahayag ng Banal na Kasulatan (Roma 16:18). Ang pangalawa naman ay ang mga matapat na nagnanais maglingkod sa PANGINOON (Roma 10:2), Ngunit nalilihis dahilan sa mga di sinasadyang mga pagkakamali ng pagbibigay kahulugan sa mga talata ng Banal na Aklat. Nagkakamali, Na bagama't may mabuting hangarin ay sapagka't pinipilit nilang hanapin sa pamamagitan ng kanilang sariling mga haka at maka-sanglibutang karunungan ang mga tamang paliwanag sa mga salitang kanilang natutunghayan sa mga Kasulatan. (2Pedro 1:20) Ang mga bagay na ito, ang nag-udyok sa may akda upang ma-ilunsad ang Munting Pahinang ito. Sapagka't kami ay naglalayong makapagbigay ng tumpak na katugunan sa mga katanungan tungkol sa KANIYA at sa mga Bagay na Kabanalan, at higit sa lahat ay ang pagka-unawa at ang pagkilala sa kaniyang Banal PANGALAN; sa pamamagitan ng mga Kasulatan. Pinaniniwalaang ito ay magiging Mabuting Gabay at Paraan upang makilala ang DIOS sa Espiritu at Katotohanan, Ma-aasahan ang tiyak at tapat na kasagutan, sapagka't ang lahat ng mga pananalita ay pawang hinango o kundi man ay tunay na kaugnay ng BANAL NA KASULATAN, (Ang tinatawag ngà natin ngayong Ang Biblia). Sa iyong pagbabasa sa munting pahinang ito, Ay ipagkaloob nawà sa iyo ang pagka-unawa.



Mayroon Nga Bang Dios?

Nakalalamang sa mga tao ang maging matanong at mapanuklas, Likas din sa kanila ang magkaroon ng kusang takot at paggalang sa mga bagay na kataka-taka at sa ina-akala nilang mas malakas o mas makapangyarihan kaysa kaniya  (Colosas 2:18 & Gawa 17:23).  Isa ito sa mga dahilan na nagtulak upang mabuo sa kanyang isipan na mayroong Dios. Isang Dios na Gabay na naka-aalam ng lahat na pangyayari at nagpapatakbo ng mga kasaysayan. Hindi ma-ikakaila na bagama't marami ang mga matatalino na nakatuklas ng iba't-ibang mga bagay na bunga ng karunungan, ay may isang Ulò / DIOS pa rin na higit na naka-tataas sa lahat. Isang Makapangyarihan na dapat nating paglagakan ng lubos na tiwala at pag-asa. Ang katunayan ng kaisipang ito ay maraming ibat-ibang uri ng mga Relihiyon ang nabuo sa pagsisikap na maka-abot sa Kaluwalhatian ng Dios na Panginoon. Halos ang lahat sa mga ito ay nagnanais na matamo ang biyaya at pagkalinga ng kanyang Banal na Manlilikhà, Mapapansin na ang bawa't isa sa kanila ay nag-aangkin na sila ang pinili ng Panginoong Dios. Kaya naman hindi maiwasan ang mga pagtatalo at ang maraming mga katanungan na nagbubunga ng mga di pagkaka-unawaan. Sa pagkakataong ito, ay ang Kasulatang Pinanganlang "ANG BIBLIA" ang may pinaka-wastong kasagutan sa mga tanong tungkol sa kabanalan kaya nga tinawag itong Ang Banal na Kasulatan, Bakit? Sapagka't bagama't maraming mga Aklat na ang nangasulat mula noong libu-libong taon na ang nakakaraan at sa pagsasalin-salin ng mga henerasyon ay hindi mapabubulaanan na ang Biblia ang tunay na pinaka sa mga Kinasihang Aklat; Bagaman at karamihan sa mga mahahalagang salita / pangngalan ay binago ng maraming mga Eskriba / Tagapagsalin  (Jermias 8:8; Roma 10:4); Binago sa pag-aakalang ang ganoong paraan ay makatutulong sa sino mang makababasa upang umunawa. Isa sa mga katunayan na ang Biblia ang pinaka sa kinasihang mga Aklat ay ang pagiging nananatiling magkaka-ugnay ng bawat aklat o sanaysay bagama't ito ay sinulat ng ibat-ibang mga Lalaki sa ibat-ibang mga panahon at kulturang kinasadlakan, gaya ng nabanggit na. Kaya naman walang pasubali ang pagkatawag sa Kaniya: Ang Salita ng Dios, ito ay sapagka't ang lahat ng mga salitang nakasulat dito ay walang pasubaling pag-aari ng Isa na tinatawag na DIOS. Walang pag-aalinlangan na ito ang nararapat na pagsanggunian sa lahat ng mga usapin tungkol sa Dios o sa isang na umiiral ng walanghanggan. Tulad ng katanungang mayroon ngà bang Dios, ay tiyak ang mga patunay na makikita sa mga Bersikulo nito. Gaya ng nakasulat sa Eclesiastes 12:13... Ito ang wakas ng mga bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Samakatuwid, bukod sa kalikasan at sa mga nakikita natin sa kalawakan ay may matibay ding pagpatotoo Ang Banal na Kasulatan na mayroon ngang Dios (Hebreo 11:6).


Nasaan Ang Dios?

Gaya ng mga na-unang pagtalakay, pinatutunayan ng Biblia na Si Jesu-Cristo Ang tunay na Dios (1Juan 5:20). Ngunit ang malaking katanungan ay nasaan Siya? Sapagka't magmula sa ating pagka-bata ay itinuro na sa atin bunga ng matandang kaugalian na SIYA, ang ating DIOS; Ang tinatawag ng bawa't isa na: Dios ko! ay nasa langit. Una natin itong natutuhan sa ating mga magulang, Dahil na rin sa aral o turo ng mga Relihiyong kanilang kinagisnan at na nag-aangking sila ang Pinili ng DIOS (Mateo15:9 ; Colosas 2:8). Ngunit kung ating susuriin mainam; ay wari bagàng ito ay taliwas sa sinasabi ng Biblia o ang sa katotohanan ay Ang Banal na Kasulatan, Sapagka't dito'y kakikitaan mo ng talatang may pahayag na; wala sa langit. Ito ay matutunghayang sinasabi saDeuteronomio 30:12; Subalit kung wala sa langit ay nasaan nga kaya Siya? Yamang sa Biblia rin matutunghayang sinasabi, Hanapin natin Siya at ang kaniyang Kaharian upang magtamò tayo ng kaniyang Dakilang Pagpapala. Sa usaping ito, bigyang pansin ang mga pangungusap sa Mateo 6:33 at ang Oseas 10:12 kaugnay ng 1Corinto 3:9. Walang pag-aalinlangan na tinitiyak ng Banal na Aklat na ang PANGINOON ay nasa kaniyang Banal na Templo. Sa kabilang dako ay nilinaw na yaon ay hindi ang Simbahan o mga Imahen, hindi rin tumutukoy sa anumang gusali na ginawa ng mga Tao; Mapag-uunawa kung lilimiing mabuti ang Habacok 2:20 at ang Aklat ng mga Gawa 17:24. Datapuwa't kung hindi mga imahen... Alalahanin na ang Propetang si Moises ay gumawa ng isang Imahen ng Serpiente na yari sa tanso at tinawag ito sa pangalang Nehustan. Ito rin ang itinaas niya sa Ilang upang ang sinomang tumingin ay huwag mamatay (Bilang 21:9). Maging ang pantas na Haring si Solomon na isang tao ay gumawa ng isang Templo para sa PANGINOON(1Hari 6:1-10). Totoo iyan at hindi maaaring mapabulaanan, Ngunit Ang Panginoong DIOS din ngà mismo ang nagsasabi sa pamamagitan ng mga Kasulatan na Siya ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay ng tao. Basahin ang Isaias 66:1 at unawain ang Hebreo 9:9, Tingnan din ang Isaias 46:5 at ihambing ang Bilang 21:9 saJuan 3:14. Tunay na napakahirap alisin sa ating mga isipan ang mga itinuro ng mga salit-saling sabi na mula noong una na taliwas sa lantay na katotohanang isinasaad ng Biblia(Joel 1:3 ; Marcos 7:8). Kaya naman ang Kasulatan na rin palibhasa ay Banal gaya ng sinasabi Niya rin (Roma 7:12), ay nagpapatunay na ang Templo ng Dios ay ang Tao. Mapagkakatiwalaan at tiyak ang sinasabi ng mga talata nito (1Corinto 3:16-17). Hindi matatanggihan ang katotohanang ang atin mismong Katauhan ang Tahanan at kinaroroonan ng Dios. Ang ilan sa mga patotoo ay mababasa natin sa Lucas 17:21 ; Efeso 2:22 at 1Corinto 6:19. Walang talata sa Biblia na makapagpapabulaan sa katotohanang ang DIOS ay nasa Iyo (Juan 14:20). Kung iyong susuriing mainam at matimtimang pag-aaralan ang Banal na Kasulatan ay patuloy na lilitaw ang katiyakang ang Dios ay nasa mga tao. Ipinapayong pagbulayan at unawaing mabuti ang Apocalipsis 21:3, Sapagka't sa mga talatang ito'y matutunghayang lubos na pinagtitibay ang paglalahad ng katotohanan. Subalit sandali lamang,... hindi ba't ang Kasulatan din ang nag-ulat na Siya ay nasa Langit at nakaupo sa kanan ng Kaluwalhatian? (Efeso 1:20)Walang pagtatalo sa katotohanang ito, Subalit samantalang Siya ay nasa Kalangitan, Siya rin sa iisang pagkakataon ay ang nasa Iyo (Juan 3:12-13). Isang hiwaga na hindi maarok ng ating mga isipan bilang mga tao, Ngunit ito ang katotohanan (Lucas 18:27 ; Roma 9:19). Ikaw rin kung hahanapin mo ng buong puso ang Panginoon mong Dios ay masusumpungan mo siya sa iyo rin, gaya ng sinasabi sa mga kasulatan (1Cronica 28:9 ; Hebreo 11:6 ; Jeremias 29:13). Walang pag-aalinlangan na kung sasampalatayanan ang Banal na Kasulatan "Ang Biblia" at taos sa pusong tatanggapin ang mga katotohanang inilalahad nito, Ang paghahanap mo sa Dios na Panginoon ay mawawakasan sapagka't ito ay iyo nang matatagpuan (Colosas 2:3-4). Katulad ng sinasabi sa mga talata nito: Ang Aking mga patotoo ay katotohanan (Juan 5:34;31). Ito'y nagmula sa Dios hindi maaaring masalangsang lalong hindi maaaring sirain.



Sino Ang Dios?

Gaya ng katanungang mayroon ngà bang Dios, Ay napakaraming mga pagmumuni ang pumapasok sa ating mga isipan tungkol sa Kaniya at sa iba pang mga bagay na mahihiwaga, sa pagkakataong ito ay bigyan nating pansin ang isang tila napaka-inosenteng katanungan. Sapagka't ang mababasa sa Kasulatan ay: Sapagka't yamang sa karunungan ng Dios ay hindi nakilala ng sanglibutan ang Dios sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, ay kinalugdan ng Dios na iligtas ang mga nagsisipanampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral. - 1Corinto 1:21; At ang katanungan nga ay: Sino nga ba ang Dios? (1Corinto 3:18) Tunay na hindi mabilang ang mga katuruan tungkol sa Dios. Ngunit gaya ng nabanggit na, ang higit na mapagkakatiwalaan ay ang Banal na Kasulatan (ang sa ngayon ay tinatawag na Biblia). Bakit? Sapagka't ito ang may pinakamataas na kapangyariahan upang maging sandigan ng ating pagkilala sa Panginoong Dios. Ang sabi ng Banal na Aklat (Na Ang Biblia nga), Na ang mga ito ay nangasulat upang tayo'y mangagsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo (Juan 20:31), Gayon din naman ini-ulat sa ibang mga talata ang ganito: Huwag kayong patawag na mga Panginoon sapagka't iisa ang Panginoon alalaon baga'y ang Cristo (Mateo 23:10). Sa ibang panig naman ng kasulatan ay matutunghayan ang mga salitang ganito: Ang PANGINOON nating Dios ay isang Panginoon (Deuteronomio 6:4). Ang wika pa ng Aklat; Ang Panginoon ang siyang DIOS at wala ng iba pa (1Hari 8:60). Samakatuwid ito ay isang malinaw na pagpapahayag na kapag tinuran ang salitang Dios ayon sa Kasulatan ito ay patungkol sa PANGINOON at kapag kapag binanggit ang katagang Panginoon ay iisa lamang ang pinag-uukulan, Samakatuwid na ito ay ang Cristo, Isang pagsisiwalat na maliwanag pa sa sikat ng araw na kung tinatawag mo ang pangngalang Cristo; ay walang ibang tinutukoy kundi si Jesus. Yaong ipinaglihi ng isang Dalaga (Mateo 1:21;23), Na ipinanganak ng isang Babae (Isaias 9:6 ; Galacia 4:4) ayon sa Kautusan. Sapagka't Siya rin ngà ang nagsabi: Ang lahat ng mga patotoo tungkol sa akin ay pawang mangatatagpuan sa mga kasulatan (Hebreo 10:7). Kaya naman ano pa nga ang nararapat na ating gagawin? Hindi baga marapat lamang na ating kilalanin at paniwalaan o higit pa'y ating sampalatayanan ang mga katotohanang ito na isinasaad ng mga talata?Si Jesu-Cristo : Ito ang tunay na Dios at ang Buhay na Walanghanggan (1Juan 5:20). Sapagka't tapat ang pasabi at nararapat tanggapin ng lahat (1Timoteo 4:9). Habang ating hinihintay ang ating Dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo (Tito 2:13).



Ano Ang Dios?

Walang pagtatalo, Ang Tunay na DIOS ayon sa Biblia ay si Cristo (1Juan 5:20) at batid na natin ngayon na SIYA ay sumasa atin (Mateo 1:23), ngunit may katanungan na nananatili pa ring katanungan na umu-ukilkil sa ating mga gunam-gunam. Na ang tanong ay: Ano nga ba ang Dios? Kung iisipin mong mabuti at pagbubulayan, Ano nga ba Siya? Siya na nananahan sa atin? Ang wika ng Kasulatan, Siya ay ang Salita (Juan 1:1), at ang Biblia rin ay nagsasabing Ang Dios ay Ilaw (1Juan 1:5). Ang iba pang matutunghayan sa mga talata ay ganito: "Samantalang nasa inyo ang Ilaw, ay mangagsisampalataya kayo sa Ilaw, upang maging mga anak kayo ng ilaw" (Juan 12:36). At muli ay winikang: Nagkaroon ng tunay na Ilaw, Samakatuwid baga'y ang Ilaw na lumiliwanag sa bawa't Tao, Ngunit ano ang ilaw na ito na tinutukoy at siyang liwanag sa atin? Ang Kasulatan na rin ang siyang may taglay na kasagutan, at ang Buhay ang siyang ilaw sa mga tao (Juan 1:9)Ang BUHAY, ito ang sabi? ito ang tinutukoy na ilaw (Juan 1:4). Para sa ikalalawak ng ating pag-unawa, bigyang pansin ang Colosas 3:4 at kaugnay nito'y basahin ang Kawikaan 8:35. Hindi bagà maliwanag na ang itinuturo ng Banal na Aklat, na Ang Cristo ang siyang ating Buhay na ito ay nasa lahat ng tao. Sapagka't aling tao nga baga ang walang Buhay maliban sa mga patay? Samakatuwid ay yaong mga pinanawan ng hinga. (1Juan 5:12). Ngunit ano nga ba ang Buhay? Tingnan ang Job 7:7 ; Genesis 2:7 at Job 27:3 upang mapag-uunawa na ito ay yaong pumapasok at lumalabas sa atin (Gawa 1:21), Labas masok sa dahilang tayo ang kaniyang Banal na Templo (1Corinto 3-16-17). Tunay na walang pasubali sa katotohanang mahalaga ang Buhay at na ito ay nararapat na ating paka-ingatan (Mateo 16:26). Ito rin nga ay karapat-dapat na pag-ukulan natin ng tunay na pag-ibig ng higit kaysa ano pa mang bagay sa sanlibutang ito (Deuteronomio 30:19-20). Sapagka't si Jesus na rin ang nagsabi: Ako Ang Buhay (Juan 14:6). Magkatugma kung gayon ang katotohanang tayo ang Templo ng Dios at SIYA na sa atin ay tumatahan, sapagka't tayo ang kaniyang Templong Banal ay si Cristo. Ipinahihiwatig ng Kasulatan sa pamamagitan ng talatang nakasaad sa 2Corinto 5:16 ang tamang pagkakilala kay MassiYàh(ang tinatawag na Cristo), Na siya ay hindi na marapat kilalanin gaya ng pagkakilala natin noong una. Sapagka't ngayon siya ay hindi na ang nasa anyong tao, ngayon si Cristo ay ang umiiral na Espiritu. Basahin ang 1Corinto 15:45 at ang Juan 4:24 upang lubos na magkaroon ng kaunawaan. Subalit higit pang makapagtatanto ng katotohanan kung pagbubulayang mainam ang 2Corinto 3:17. May katiyakan at hindi matatanggihan ang mga patotoo ng Banal na Kasulatan na si Cristo Jesus ay ang ating buhay (Awit 2:2 ; Panaghoy 4:20 ; Ezekiel 37:6). Maaring ikaw ay maguluhan ngunit ito ang katotohanan(Lucas 18:27), kaya naman sinabi ng kasulatan: Kung ating kilalanin ang ating sarili ay hindi tayo hahatulan (1Corinto 11:31). At sapagka't ang iyong kapuwa ay kapareho mo ring may buhay, Sa dahilang iisa ang ating Hininga na gaya o katugma ng nasusulat:"tayo ay nakikibahagi lamang sa iisang Tinapay" (1Corinto 10:17) Kaya't nararapat na tayo ay mangagkaisa ng pag-iisip na ito ay nakatuon lamang sa mga bagay nang Kabanalan (Filipos 2:2). Ngayon yamang batid mo na, na ang Dios ay nasa iyo at yaon din naman ang nananahan sa iyong kapuwa; Marahil ay hindi na mahirap para sa iyo ang Tuparin Ang Kaniyang Mahalagang Utos: Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili (Galacia 5:14). Sapagka't gaya ng ating natalakay na, Ang Dios mo at ang Panginoon ko, ay siya ring Panginoong Dios ng iyong kapuwa. Samakatuwid ay iisa ating Dios Na Panginoon, Ito ay ang ating Buhay. Gayon din naman iisa ang Pangalang ibinigay niya sa atin (Exodo 3:14-15), Ang Pangngalang ito na kung mumuniing mainam ay tinataglay nating lahat, Ang kaniyang Dakilang Pangalang AKONGA. Sapagka't ang lahat ng tao ay may sariling ka-angkinan o pagka-ako (1Corinto 3:4). Marami pang mga patotoo at paraan upang ating mapag-unawa ang mga dakilang layunin ng Dios para sa atin, Kaya lamang ay kailangang kilalanin muna natin siyang mabuti at lubusang pagtiwalaan na katulad ng pagtitiwala natin sa isang tapat nating kaibigan. Kung nais mo pang makilala Siya ng lubusan, ay manalig ka at lubos na sumampalataya sa kaniyang mga Salita sapagka't ito ang katotohanan (Awit 119:160). Magkaroon ka nawa ng tapat at masidhing pagnanasa na hanapin at patuloy na kilalanin ang Dios at ang Kaniyang Katotohanan (Galacia 3:24), Upang makalaya ka sa silo ng kasalanang magdadala sa iyo tungo sa kamatayan (Roma 6:23 ; Juan 8:32). Mayroong pag-asa, sapagka't ang paanyaya ay hanapin natin siya ng buong sikap, at tunay ngang tiyak na atin siyang masusumpungan (Isaias 55:6). Sapagka't kung hindi tayo makikipag-ugnayan sa DIOS ay tunay ngang tayo'y mangamamatay (2Cronica 15:13). Subalit ang PANGINOON ay sagana sa Awà at Pag-ibig, Kaya't Siya na rin ang nagkaloob sa Atin ng Walanghanggang Biyaya at Kaligtasan (Juan 3:16).



Ano Ang Kaugnayan Natin Sa Dios Na Panginoon?


Isaias 54:5; Jeremias 3:14; Oseas2:19; Isaias 64:8
Juan 15:14;12;10;9;8 Juan 20:17

Sapagka't ang may lalang sa iyo ay iyong Asawa; Ang Panginoon ng mga Hukbo Ang Kaniyang Pangalan: Kayo'y manumbalik, Oh tumalikod na mga Anak, sabi ng Panginoon, sapagka't Ako'y asawa ninyo; at Ako'y magiging asawa mo mag-pakailanman; Oo magiging asawa mo ako sa katuwiran, at sa kahatulan, at sa kagandahang loob, at sa kaawaan. Ngunit ngayon Oh Panginoon, Ikaw ay aming Ama; Kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalayok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay. Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin; sapagka't hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon: Ngunit tinatawag ko kayong mga Kaibigan; sapagka't ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay mga ipakikilala ko sa inyo. Kayo'y aking mga kaibigan, kung gagawin ninyo ang mga bagay na aking ini-uutos sa inyo. Ito ang aking utos, na kayo'y mangag-ibigan sa isat-isa, gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mag-sisipanahan kayo sa aking pag-ibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at kayo'y nananatili sa Kaniyang pag-ibig. Kung paanong inibig Ako ng Ama, ay gayon din naman iniibig ko kayo, magsipanatili kayo sa aking pag-ibig. Sa ganito'y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo'y mag-sipagbunga ng marami; at gayon Kayo'y magiging Aking mga Alagad. At sabihin mo sa kanila, Aakyat Ako sa Aking Ama at Inyong Ama, at Aking DIOS at Inyong DIOS. 

Ang talata sa itaas na una ninyong natunghayan ay sinipi sa Ang Biblia, Mapupunang ang mga pangungusap ay mga siniping Sitas at pinagdugtong-dugtong, At bagaman at hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag ng may akda ay mapag-uunawa ang ipinahahayag ng Kasulatan na ang PANGINOONG DIOS ay tunay na ating Asawa. Bagama't ang katulad natin ay isang taksil na asawa sa pamamagitan ng paggawa natin ng mga kasalanan, ay nakalaan pa rin ang Kaniyang Banal na Pag-ibig, tulad ng isang mabuting lalaki na naghihintay sa pagbabalik ng kaniyang naglilong asawa. Sapagka't ang Panginoong Dios ay ang ating Asawa sa Espiritu na siyang ating laging kalakip sapagka't Tayo ang kaniyang Banal na Tahanan, at hihintay Niya ang ating pababalikloob sa kaniya. Kung paanong Ang Kaniyang Dakilang Pangngalang "AKO NGA" ay hinayaan niyang taglayin natin gaya ng paggamit ng isang Babae sa Pangalan ng kaniyang asawa. Ay sapagka't walang kahulilip ang pagsinta NIYA sa Atin. Subalit hindi lamang isang pinaka-iibig na asawa ang turing ng Dios sa atin sa halip para sa kaniya ay Tayo ang pinakamamahal niyang Anak, Isang anak na bagaman at suwail ay nakalaan pa rin ang Kaniyang Sakdal na Puso upang magbigay nang kapatawaran kung tayo'y manunumbalik na maglilingkod sa kaniya. BAKIT? Sapagka't ang PANGINOON ay ang Tunay nating Kaibigan, Bagama't tayo'y galing lamang sa LUPA na hinubog ng kaniyang mga kamay ay hindi niya tinulutan na tayo'y maging kaniyang mga Alipin, Sa halip Siya'y naging isang tapat na kaibigan na hindi magtataksil kahit na kalimitan ay Siya ang ating sinisisi sa mga kapahamakang dumarating sa atin bagama't karaniwan nang Tayo ang pinag-uugatan dahilan sa ating mga kasalanan. At sapagkat SIYA ang Ating DIOS ay nararapat lamang na tayo'y maging Kaniyang Tapat na Alagad. Isang Alagad na sumusunod ng matimtiman sa kanyang mga Utos, Katulad ng pagsunod ng Isang Mabuting Anak sa Kaniyang Ama, Sapagka't tunay na ANG DIOS NA PANGINOON ANG ATING DAKILANG AMA, Ang Amang umiibig sa atin ng walanghanggan.


Ang sampung dahilan, Kung bakit nararapat na hanapin at kilalanin ang pangalan ng Dios na Panginoon.


 Magmula sa Aklat ng Genesis hanggang sa Apocalipsis ay isinasaad na may Pangalan ang Panginoon, At maging ang mga pantas na sumulat sa mga aklat ng Kawikaan ay nagtatanong o marahil ay tumatanong, kung ano nga baga ang Pangalan ng Dios(Kawikaan 30:4) Sapagka't walang sinomang maka-aalam nito kundi yaong mga mag-sisipagtagumpay at buong pusong nananalig sa Dios at sa Kaniyang mga Salita.(Apocalipsis 2:17)


 Isinasaad ng Banal na Kasulatan na sa Pangalan nawa tayo ay mangag-sisamba,(Mateo 6:9) At yaon lamang ang nararapat na ating luhuran at pag-ukulan na tapat na paggalang(Filipos 2:10) Sapagka't noon pamang-una ay Ito na ang tinatawagan ng ating mga Ninuno upang malunasan at matugunan ang lahat nilang mga pangangailangan. (Genesis 4:26)

 Ang sabi nang Biblia; walang ibang kaligtasan dito sa santinakpan kundi ang Kaniyang Pangalan lamang,(Gawa 4:12) Sa kabilang dako naman ay inilalarawan ng Kasulatan ang malaking kapahamakang darating at tanging ang mga magsisitawag lamang sa Pangalan ng Panginoon ang siyang makaliligtas.(Joel 2:31-32) Isang katotohanan na ang Pangalan ng Panginoon ang siyang tanging Kaligtasan. (Roma 10:13)

 Bagaman at may isa pang Daan ng Kaligtasan at ito ay ang Bautismo, Subalit hindi maikakaila na yaon ay Bautismo sa Pangalan, Gaya ng winika mismo ng Panginoong si Jesus at ibinilin sa kanyang mga Alagad,(Mateo 28:19) at ito ay kaagapay ng tapat na pagsisisi, Upang matamo ang kapatawaran ng mga kasalanan.(Gawa 2:38) Ngunit ang mga nabanggit ay alang-alang pa rin sa Kaniyang Maluwalhating Pangalan(Gawa 10:43) Kaya naman nararapat lamang na lumayo sa kalikuan ang lahat na nagsisitawag  o sumasambitla sa Pangalan ng Panginoon (2 Timoteo 2:19).

 Laging ipinapayo na anomang ating ginagawa at gagawin ay SIYA ang dapat na manguna at ito ay sa pamamagitan pa rin ng Kaniyang Matamis Na Pangalan.(Colosas 3:17) Sapagkat ang bawa't Pangalan o Salitang ipinangungusap ay nasasakupan Niya,(Efeso 1:21) Sa dahilang ang mga ito ay sa Kaniya rin nangagbubuhat.(Efeso 3:14-15)

 Maging sa pananalangin ay mahalaga ang Pangalan, Sapagka't sa Pangalan mo lamang siya mapapapurihan at mapapasalamatan.(Awit 48:10 ; Hebreo 13:15) Hindi mo maluluwalhati ang Sino man kung hindi mo nalalaman ang kaniyang pangalan.(Hukom 13:17)

• Sapagka't Tayo ay mahihina kaya kinakailanagan natin ang patnubay, at Tanging angMakapangyarihang Pangalan lamang Niya ang tunay na gabay sa atin.(Awit 31:3)(Juan 14:13) Bagama't tayong lahat ay mga makasalanan ay hindi tayo nararapat na mawalan ng pag-asa, Sapagka't mayroong Isang Tanging Sandigan at iyan ay angMalinis Niyang Pangalan. (Mateo 12:21) Yaon lamang ang dapat na ating paglagakan ng lubos na pagtitiwala ng higit kanino pa man. (Awit 33:21)

 Nang magkatawang tao ang MassiYàHùh'Shuà a.k.a. Cristo Jesus ay Pangalan ang ipinakilala Niya sa kaniyang mga Alagad.(Juan 17:26; Hebreo 2:12) Kaya naman sa pamamagitan ng Pananampalataya Natin sa kaniyang Pangalan ay mga magiging mga Anak Tayo na Dios.(Juan 1:12) Isang anak na dapat magpakabuti upang hindi magalaw ng anumang uri ng kasamaan.(1Juan 5:18)

 Ang Pangalan ay isa(Zacarias 14:9) At ito ay Kakilakilabot(Apocalipsis 15:4;     Awit 99:3) Kaya hindi ito mababanggit ng Bibig ng kahit sino. (Amos 6:10; Jeremias 44:26)Pangalan ng Panginoon(Deutronomio 5:11) Sapagka't ang kabuoan ng kaniyang mga Salita ay ang Kaniyang Pangalan, Gaya naman na ang buong kautusan     ay natutupad sa isa lamang Salita.(Galacia 5:14)

 Higit sa lahat ang Kaniyang Utos ay Sumampalataya Tayo sa Kaniyang Pangalan, (1 Juan 3:23) Sapagka't Banal ang Kaniyang Pangalan(Awit 111:9) Ang pangalang ito ayKagalang-galang. Pinadakila niya ang kabuoan ng kaniyang mga salita sa Kaniyang Pangalan. (Awit 138:2) Kung gayon nararapat na ating hanapin at kilalanin ang Pangalan ng Panginoon upang ito ay matatak sa ating mga noo, alalaon bagay ang makintal sa ating mga pag-iisip na siyang mag-aakay sa atin tungo sa Kaluwalhatian.          (Apocalipsis 7:3)


Mga tamang hakbang upang ma-alaman ang Pangalan ng Dios

"Minsan pa ay mga purong sitas na sinipi at pinagdugtong-dugtong ang inyong matutunghayan upang maging patotoo na lantay na katotohanan ang isinasaad ng pahinang ito, Bigyang pansin at lubos na pagbubulay ang mga salitang may mga matatabang letra (Bold Letters) upang magkaroon ng tunay na kaunawaan,  Nawa Ang Banal Na Espiritù Nang Dios ang siyang tunay na magturo sa Iyo Sino ka man na bumabasa ng Ulat na Ito." 


 
Mateo 11:29, Awit 78:2, Lukas 8:11, Juan 6:63, Lukas 17:32+8, Juan 6:56+55+54 Juan 5:39+46, 2Pedro1:20, Mateo 10:20, Genesis 2:16, Kawikaan 3:18, Mateo 7:7, Santiago 1:6, Judas 22+17, Isaias 34:16 +28:10+13, Apocalipsis 13:18
Kawikaan 4:7+2, 1Corinto 3:18, Jeremias 29:13


Pasanin ninyo ang aking Pamatok,at mag-aral kayo sa akin; Aking bubukhin ang aking bibig sa isang Talinhaga; ako'y magsasalita ng mga malabong sabi ng una: Ito ang talinhaga : ang Binhi ay ang Salita ng Dios. Ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot., at saka ka kumain at uminom?... Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako'y sa kaniya. Sapagka't ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya'y aking ibabangon sa huling araw. Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't tungkol sa akin siya'y sumulat. Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag. Kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang sa inyo'y magsasalita. Na sinabi, sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: Siya ang punong kahoy ng buhay sa mga nanghahawak sa kaniya: at mapalad ang bawa't isa na nangamamalagi sa kaniya. Magsihanap kayo, at kayo'y mangakakasumpong; magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; Ngunit humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pag-aalinlangan: At ang ibang nag-aalinlangan ay inyong kahabagan; Ngunit kayo, mga minamahal, ay alalahanin ninyo ang mga salitang nang una'y sinabi ng mga Apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo; Inyong saliksikin sa aklat ng Panginoon, at inyong basahin, Kahit isa sa mga ito ay hindi magkukulang, Walang mangangailangan ng kaniyang kasama; Sapagka't ini-utos ng aking bibig, at pinisan sila ng kaniyang Espiritù. Sapagka't utos at utos: utos at utos; bilin at bilin; bilin at bilin, dito'y kaunti, doo'y kaunti, Dito'y may Karunungan. Karunungan ay pinaka-pangulong bagay; kaya't kunin mo ang karunungan; Oo sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa. Huwag ninyong bayaan ang aking kautusan. Sapagka't bibigyan ko kayo ng mabuting-aral; Kung sino man sa inyo ang nag-iisip na siya'y marunong sa kapanahunang ito, ay magpakamangmang siya, upang siya ang maging marunong. at masusumpungan Ako, Pagka-inyong sisiyasatin ako ng inyong buong puso.



Mga dapat gawin matapos na malaman Ang Pangalan Ng Dios.


Job 22:21; Oseas 6:6,3; 2Timoteo 1:13; MATEO 9:30; 8:4; Hebreo 13:15;
2Timoteo 2:19; Kawikaan 13:3; Santiago 3:2; Jeremias 38:24;
Apocalipsis 3:11 Deutronomio 4:6;15;35


Makipagkilala ka sa Kaniya, at Ikaw ay mapayapa: Anopa't ang mabuti ay darating sa iyo. Sapagka't ako'y nagnanasa ng kaawaan, at hindi hain, at ng pagkilala sa Dios higit kaysa handog na susunugin. At ating kilalanin tayo'y magpatuloy upang makilala ang Panginoon: Ingatan mo ang mga ulirang mga salitang magagaling na narinig mo sa akin, Ingatan ninyong sino ma'y huwag maka-alam nito. Ingatan mong huwag sabihin kanino man; Kundi humayo ka,... at ihandog mo ang alay.. Sa pamamagitan nga niya ay mag handog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, samakatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang Pangalan. At, Lumayo sa kalikuan ang bawa't isa na sumasambitlà sa Pangalan ng Panginoon. Siyang nag-iingat ng kaniyang bibig, nag-iingat ng kaniyang buhay: Sapagka't sa maraming mga bagay tayong lahat ay nagatitisod. Kung ang sino man ay hindi natitisod sa salita, ay isang taong sakdal ang gayon, may kaya rin namang makapigil ng buong katawan. Huwag maalaman ng Tao ang salitang ito, at hindi ka mamamatay. Panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang huwag kunin nang sinoman ang iyong putong. Sapagka't ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga tao, Ingatan nga ninyo ang inyong sarili; Sa iyo ipinakita ito, upang iyong makilala na ang Panginoon ay siyang Dios; Wala ng iba liban sa Kaniya.

                         Muli na namang mga Purong Sitas na sinipi sa Biblia ang inyong nabasa   sa mga unang talata ng Pahinang ito. Ito ay pagpapatunay lamang na hindi kinathà ang mga ipinaliwanag, Sa halip ay pawang mga katotohanan na iniuulat ng Banal Na Kasulatan ang inyong mga natuklasan. Iminumungkahing bigyang pansin ang mga pangungusap na may matatabang titik(bold letters) upang maunawa ang mga nais ipahiwatig. At sa dahilang kung magka minsan ay may ilang mga pananalitang hindi angkop sa pang-unawa ng ilang mga mambabasa, sapagka't ang salita ng Dios ay tanging siya lamang ang nakatatalastas, (2Pedro 1:20) Kung kaya ipinagtatagubilin na suriing mabuti sa Banal Na Kasulatan ang mga Sitas o " Verses" na kaagapay ng bawat sanaysay. pinapayong ang sangguniin sa pagkakataong ito ay ang Saling Ang Biblia, upang lubos na maunawaan ang ilang mga Talinhaga.



Anong Ang Pangalan Nang Panginoong Dios?

Gaya nang mga talatang nagpapatototo na mababasa natin sa Biblia, ay isang katotohanan na may Pangalan ang Kataastasan (ang tinatawag na Diyos). Ang mga katawagang Bathala, YahwehJehovah, Panginoon, Poon, AdonaiSabaothShaddai,Elohim / Ulhim, Yahuah at maging ang ating kinagisnan na salitang DIOS; Pati na ang marami pang mga katagà patungkol sa Kaniya ay mga salita lamang na pangngalan na nagpapahayag bilang pagkilala sa kanyang pagiging May Kapangyarihan at pagtukoy na Siya lamang ang Iisang Ulòng-Maykapal o Manlilikhà na Siya ang Bukal o Pinagmulan ng lahat ng mga bagay nakikita man ito o hindi. Ang marami sa mga Titolo o Pangngalang ito na masasabi nating mga hayag (Deuteronomio 29:29), Ay malinaw na ibinase ng mga Pantas / Scholar sa Tetragramang YHWH / IHVH na sinulat ng Propetang si Moises. Ngunit ano nga bagà ang Pangalan ng Dios? Sapagka't gaya ng nasabi na, na hindi rin ang Salitang ito ang kaniyang pangalan. Kung ating susuriing mainam ang Banal na Kasulatan ay isinasaad nito na si Moises na Propeta, ay nakipag-usap ng mukhaan sa Panginoon. Na mapagmumuning ito'y pagpapatunay na siya(si Moises) lamang ang tanging naka-aalam ng Personal at Tunay na Pangalan ng Dakilang Lumikhà alalaon baga'y siyang nakakilala. Kung tutunghayan natin ang mga Orihinal na Kasulatan ay mapapansing lumitaw ng pitong libong ulit ang apat na Banal na Letrang ito, Ang YHWH / IHVH. Ngunit ang katanungan ay bakit sa ganitong paraan isinulat ng Propeta ang Banal na Pangalan ng Kataastaasan? Nakatitiyak na ang mga panitik na ito ay isa niyang paraan upang huwag malapastangan ang Banal na Salita o Ang Pangalan ng Mahal nating AMA na ipinahayag sa kaniya. Wala ring pasubali na hindi ang mga Titik na ito o ang mga Pangngalang yaon ang Kaniyang PANGALAN. Sapagka't kung ang mga yaon nga, disin sana'y hindi natin mababanggit ang mga ito. (Deuteronomio 5:11) Subalit sa ating kapanahunang ito na dumating na ang biyaya at kaligtasan (Juan 3:16 ; Roma 10:13), ay isang hamon sa atin na alamin at hanapin ang Kaniyang Pangalan (Kawikaan 30:4). At na ito'y upang siyang ating paglagakan ng tiwala at tunay na pagsamba (Juan 4:24 ; Awit 9:10). Maaring matuklasan o malaman ang Banal Niyang Pangalan, Upang mapawi na ang mga kalituhang hatid ng mga letrang Iod He Vav He. Ngunit papaano? Dangang sino nga sa ngayon ang tunay na naka-aalam nito? Kung buong pusong sasampalatayanan ang mga talata sa Banal na Kasulatan at mataimtim na bibigyang pansin ang mga tunog na naririnig sa Kalikasan. Ito ang matibay at mabisang paraan upang makilala natin ng lubusan ang Dios at ang Kaniyang Pangalan. At katotohahanang kung bukal sa iyong damdamin ang tunay na paghahanap, alalaon baga'y hinahanap mo ng iyong buong puso at kaluluwa; Siya nga rin ay magpapakahayag sa iyo. Sa dahilang Ikaw ay Sumasampalataya sa kaniyang mga Salita at naniniwala sa Kalikasang Siya rin ang may likhà. Ngunit Ikaw lamang sa ganang iyong sarili at ang Banal na Nag-Iisa ang tunay naka-aalam kung ano ang talagang nilalaman ng iyong puso. (Hebreo 4:12 Roma 14:22).