Saturday, 25 September 2010

Mateo 6:9 - Sambahin Nawa Ang Pangalan Mo!

Nagtatanong: Kung pinasasamba ang pangalan, paano ba ito isinasagawa, paano sinasamba ang pangalan? 
Sagot: Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa, - Filipos 2:10

Nagtatanong: Kapag iniluluhod ang tuhod ay nakasasamba na sa pangalan, tama ba?
Sagot: Kapatid ang pagluhod ay simbolo ng pagsamba o/at paggalang, ngunit paano naman sa pangalan paano ito luluhuran o yuyukuran o igagalang? Susulat ba tayo ng letra na patungkol sa kaniyang pangalan at luluhod tayo gaya ng ginagawa sa mga ritwal? Tunay na hindi! Kundi maigagalang mo lamang ito sa pamamagitan ng isinasaad sa Biblia: Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka't hindi aariin ng Panginoon na walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.- Deuteronomio 5:11 Subalit ano naman yaong walang kabuluhan? Ayon sa Kasulatan: Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral; walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, lahat ay walang kabuluhan. - Eclesiastes 1:2 Sa mata pala ng Dios ang lahat ay walang kabuluhan, BAKIT? Sapagka't Ang espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anomang pinakikinabang: ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay. - Juan 6:63 Tumpak nga na kung walang anomang pinakikinabang, hindi baga ito ay walang kabuluhan? Kung gayon na hindi nararapat banggitin ng ating bibig ang kaniyang pangalan sapagka't sinungaling ang lahat ng tao ayon sa Kasulatan(Awit 116:11), Paano tayo makapananalangin at paano natin mapupuri ang pangalang ito? Ganito ang sabi ng talata: Dinggin mo ang matuwid, Oh Panginoon, pakinggan mo ang aking daing; Ulinigin mo ang aking panalangin, na hindi lumalabas sa mga magdarayang labi. - Awit 17:1 Ngunit papaano itong panalangin na hindi lumalabas sa mga magdarayang labi? Ganito ang sabi: Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu, at mananalangin din naman ako sa pagiisip: aawit ako sa espiritu, at aawit din naman ako sa pagiisip. - 1Corinto 14:15 Tumpak nga ang pagkasabi ng Panginoon. Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan. - Juan 4:24 Kung gayon; Isa sa mga paraan ng pagsamba ay ang hindi pagbanggit dito, alalon baga'y sa kaniyang pangalan.

Nagtatanong: Yung talatang binigay mo ay sa pangalan ni Jesus, pano naman sa pangalan ng Ama?
Sagot: Yung pangalan ni Jesus(YàHUH'shuà) iyon din ang pangalan ng AMA(Ab'), gayon din ng Espiritù Santo(Ruaqh hòl Qadesh). Kung papansinin mo sinabi sa Mateo 28:19 - sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: Kasuwato naman ng nakasulat sa Gawa 19:5 - At nang kanilang marinig ito, ay nangapabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. Kung gayon ang pangalan ng AMA at ng ANAK at ng Espiritù Santo ay iisa, yaong ngang tinutukoy na pangalan ni Jesus; datapuwa't hindi pangalang Jesus. Gaya ng pagkasulat:At ang Panginoo'y magiging Hari sa buong lupa: sa araw na yao'y magiging ang Panginoon ay isa, at ang kaniyang pangalan ay isa. - Zacarias 14:9

Nagtatanong: Salamat kapatid na Messianico sa iyong kasagutan.
Sagot: Okey lang yun kapatid, tungkulin ng bawa't isa na ipaalam/i-share ang kaniyang kaalamn sa abot ng makakaya, at sa pag-uusap nating ito, may natututunan din naman ako dahil yung hindi ko alam ay alam mo, yung alam ko hindi mo alam, kaya pag nagsama ang alam mo at nalalaman ko, makukumpleto ang ating unawa di ba? Kasi tayong mga magkakapatid na nilikhà ng Dios ay iisa, kumbaga isang katawan pero maraming bahagi. Ganito halimbawa: Kapag nagalit ang isang tao... sasabihin ng kaniyang bibig: susuntukin kita! Pero si bibig ba ang sumuntok? Tunay na hindi! Sapagkat si kamay ang susuntok. Ganon lang kasimple.

Nagtatanong: Meron pa sana ako ilang tanong kung ok lang. Dun sa patungkol sa pananalangin, ibig bang sabihin Bro. Messianico hindi ka nananalangin nang binibigkas sa pamamagitan ng iyong labi (i mean audible)?
Sagot: OO! Yun kasi ang pamatayan namin ukol sa Mateo 6:6, Kasi kung literal na silid ang tinutukoy, paano yung mga nasa disyerto? Kaya nga sa isang pakikipag-talakayan ay nabanggit kong kahit sa Bus ay nakapananalangin ako ng walang naka-aalam. At tiyak pa na taimtim ang pananalangin mo kasi tiyak na ikaw at ang Dios lamang ang naka-aalam ng iniisip mo. At walang halong pagkukunwari dahilan sa ikaw lamang ang siyang nag-iisip ni walang nakaririnig nito liban sa Dios at sa iyong sarili.

Nagtatanong: Ibig mo bang sabihin Bro. hindi mo binabanggit yung pangalang Jesus(YàHUH'shuà)?
Sagot: Yung pangalang YàHUH'shuà o JESUS man, pangngalan yun eh pantukoy upang malaman kung sino/alin ang pinag-uusapan Kaya pwedeng bigkasin sa bibig.

Nagtatanong: Pero alin po ba ang PANGNGALAN at ang PANGALAN, pwede po bang makahingi ng verses? Thanks!
Sagot: Pangngalan:
Isa 9:6 Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan. Exo 34:14 Sapagka't hindi ka sasamba sa ibang dios: sapagka't ang Panginoon(YHVH) na ang pangalan ay Mapanibughuin; ay mapanibughuin ngang Dios:
Pangalan:
Exo 3:15 - At sinabi pa ng Dios kay Moises, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ng Panginoon(YHVH), ng Dios ng inyong mga magulang, ng Dios ni Abraham, ng Dios ni Isaac, at ng Dios ni Jacob: ito ang aking pangalan magpakailan man, at ito ang aking pinakaalaala sa lahat ng mga lahi. Isa 42:8 Ako ang Panginoon(YHVH); na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.

Nagtatanong: Tungkol dun sa pangalan ng AMA, may hawig ito sa paniwala ng mga oneness o unitarian, pero trinitarian ka di ba?
Sagot: Hindi ko alam ang salita o terminong iuukol sa pananampalataya namin, Ito ang ilustrasyon namin tungkol sa Dios, Ito nama'y ilustrasyon lamang upang maipaunawa ang aming paniniwala:
AMA = PANGALAN(Halimbawa: MESSIANICO)
ANAK = TITIK NG PANGALAN(Halimbawa: MESSIANICO kapag isinulat.)
Espiritu Santo = TINIG/Tunog kapag binigkas mo yung PANGALAN(Halimbawa: MESSIANICO kapag sinambitlà.) Iisa lang di ba?
Parang ganito Ang Salitang MESSIANICO hindi nakikita, kapag isinulat/titik ang salitang MESSIANICO nakikita na, kapag binigkas mo ang salitang MESSIANICO hindi mo makikita pero maririnig mo. Pero isa lang ang MESSIANICO o si MESSIANICO. Gaya naman na iisa ang YHVH(ang tinatawag nating DIOS).

Nagtatanong: Konti na lang po ito... Ibig bang sabihin pag ang ginagamit kong pantukoy ay "Dios", "God" or "Lord", counted ba yun as hindi pagbanggit?
Sagot: OO! Hindi naman kasi mga pangalan iyon eh kundi pangngalan. Pero kailangang alamin mo kung ano nga ang pangalan upang sa ganoon alam mo sa ganang sarili mo kung sino ang tinutukoy mong LORD,GOD o anupamang uri ng pantukoy na gamitin mo. at saka, baka kasi nababanggit na natin ng hindi natin nalalaman, eh. Sa Biblia lang naman nandoon eh, masusumpungan mo iyon kung sasaliksikin mo ng buong puso. Ikaw lamang sa ganang sarili mo ang naka-aalam kung buong puso nga.

Nagtatanong: Pero halimbawa Bro. hindi ko nalaman kung ano ang tunay na pangalan, maapektuhan ba ang aking kaligtasan?
Sagot: Hindi kapatid, basta't alam mo sa iyong sarili na buong puso mong ninanasa na hinahanap ang kaniyang pangalan, hindi kasi lahat ay pinagkaloobang makaalam niyon, pero alam ng Dios kung hinahanap mo nga. Awit 9:10 - At silang nangakakaalam ng iyong pangalan ay maglalagak ng kanilang tiwala sa iyo; Sapagka't ikaw, Panginoon, ay hindi mo pinabayaan sila na nagsisihanap sa iyo. Pero kung humahanap ka sa pangalan, dapat sumampalataya kang mayroon ngàng pangalan. Gaya naman ng kung humahanap ka sa Dios, kailangang sumampapalataya kang may Dios. Hebreo 11:6 At sabi pa ng Kasulatan: at masusumpungan Ako, pagka sisiyasatin ako ng buong puso. - Jeremias 29:13

Nagtatanong: Ganun pala! Ngayon ko lang na-encounter yung paniwalang tulad ng sa inyo. Salamat sa paliwanag.
Sagot: Okey lang yung kapatid, Tungkulin ng bawa't isa na i-share ang kaniyang nalalaman. Yung iba nga lang ay hindi gumaganap ng kaniyang tungkulin. Nawà'y magpatuloy ka sa iyong pagsasaliksik.
Isang paraan ng pagpupuri: HALAL UJAH


No comments:

Post a Comment