Saturday, 25 September 2010

Ilan At Ano Nga Ang Pangalan Nang Dios?

Kapag narinig natin o natunghayan ang katanungang ito: Ano ang pangalan ng Panginoong Dios, Ay isang bagay ang agad na sumisilid sa ating mga isipan. Iniisip natin na ang kasagutan ay kung ano o papaano natin bibigkasin ang nasabing pangalan. Ngunit ito ay isang malaking kamalian sapagka't ang katanungang ANO? ay may maraming dipinisyon o pagpapakahulugan. Maaring ito ay tumutukoy sa karakter o gawi at maaari rin namang ito ay tumutukoy sa isang tungkulin o awtoridad. Puwede rin namang ito'y ukol sa isang relasyon. Sapagka't ang salitang pangalan, kung sa Biblia natin ito matutunghayan ay nagpapahiwatig ng maraming pinatutungkulan. Kaya't kung susuriing mainam ay nararapat na ito'y ating unawain ng naaayon sa mga pangungusap na nakasaad sa mga talatang ginagamit natin upang umunawa nang tumpak na katugunan. Sa dahilang ang marami ay hindi nagsasaalang-alang sa tamang panuntunang ito, kung kaya naman karaniwan ng namamali ang pagbibigay o pagtanggap nila ng mga interpritasyon o pagka-unawà, Na ito ang dahilan kung kaya sinasapantahà nitong mga iba na ang Biblia ay may pakakasalungatan. May mga nagsasabi na ng Dios diumano ay maraming pangalan, ito'y sa kadahilanang maraming mga Sitas o Talata ang nagsasaad ng iba't-ibang salaysay na tumutukoy sa iba't-ibang anyo ng mga pananalita patungkol sa Kaniyang Pangalan. Naririto ang ilan sa mga talata na karaniwang ginagamit upang maging pamantayan sa pagpapatunay na maraming pangalan diumano ang Dios. Sa Isaias 9:6: Dito'y tinutukoy na ang kaniyang pangalan ay "tatawaging" Kamanghà-manghà, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walanghanggang Ama at Pangulò ng Kapayapaan. Sa Exodo 34:14 ay sinasabing ang kaniyang pangalan ay Mapanibughuin. Ang Amos 5:27 ay katutunghayan natin ng mga pananalitang: ang kaniyang pangalan ay Dios ng mga Hukbo. Sa biglang tingin ay mahihinuhà nating tila nga bagà maraming pangalan ang Dios, dahilan sa maraming anaki'y patotoo na ating nangatutunghayan. Ngunit ganito nga kaya ang katotohanan? Ang mga nabanggit nga kaya sa mga talatang ito ay mga pangalan o pangngalan? Sapagka't malinaw na sinasabi ng Kasulatan, Ang Biblia ngà na ang Panginoon nating Dios ay may ISA lamang pangalan. Sa Awit 148:13 ganito ang ating mababasa: Purihin nila ang pangalan ng Panginoon; Sapagka't ang kaniyang pangalang magisa ay nabunyi: Ang kaniyang kaluwalhatian ay nasa itaas ng lupa at mga langit. Pansinin po natin ang sabi... magisa at hindi sinabing marami. Sa salitang ito magisa [na sa wikang Hebreo ay: Echad.] ay mauunawa na natin na talagang magisa lamang ang kaniyang pangalan. Ngunit maitatanong mo, Magisa lamang ang sinabi at hindi naman isa. Maaring makapagbigay ng pag-aalinlangan sa iyong isipan ang katanungang ito, Subalit nararapat tayong mag-ingat sapagka't ang tanong na iyan ay mapanlinlang. Kaya't siyasatin pa natin ang Kasulatan na nagpapatunay na isa lamang ang pangalan ng Ama nating Dios. Ganito ang ating mababasa sa Zacarias 14:9 - At ang Panginoo'y magiging Hari sa buong lupa. Sa araw na yao'y magiging ang Panginoon ay isa,at ang kaniyang pangalan ay isa. Kung bibigyang pansin ang talata, ang sabi... ang kaniyang pangalan ay isa at hindi kailanman sinaysay na ang kaniyang pangalan ay dalawa o tatlo nì marami, at walang masusumpungang talata sa Biblia na kakikitaan mo ng mga pananalitang: maraming pangalan ang Dios. Kaya naman higit na katiwa-tiwala ang Kasulatan na nagsasabing ang kaniyang pangalan ay isa kaysa sa mga taong nagpapahayag na maraming pangalan ang Dios. Subalit kumusta naman ang mga naunang mga talata? Ang Exodo 34:14 , Isaias 9:6 at Amos 5:27. Hindi kaya sumasalungat ang karamihan ng mga pangalang nabanggit, Sa sanaysay ng Biblia na ang kaniyang pangalan ay isa? Maaaring isiping magkasalungat nga ito kung hindi natin pagbubulayan ng matapat sa ating puso ang mga pamamaraan niyaong pananalita sa bawa't mga talata. Kung kaya usisain natin ang mga salita, Ating pag-aralan ang tatlong sitas na nabanggit kung paano nito inilarawan ang pagtukoy sa kaniyang pangalan. Mapapansin natin sa salaysay ang ganito: ang kaniyang pangalan "ay"; Sa salitang "ay" na siyang ginamit sa paglalarawan ay tunay na ito'y tumutukoy upang ipa-unawa ang isang paggawi o kalikasan at maaaring ito ay ukol sa isang relasyon o ugnayan, Ayon na rin sa paraan ng mga pangungusap ito ay nagsasaad ng isang tungkulin o awtoridad. Kung kaya't hindi sumasalungat ang mga talatang ito sa sinasabi ng Banal na Aklat, na ang kaniyang pangalan ay isa bagama't maraming talata ang nagbibigay ng iba-ibang mga anyo patungkol sa kaniyang pangalan. Mapagtatanto na yaon mismong pangalan ang tinutukoy na siyang tatawagin sa kung ano mang pang-ukol na binanggit sa mga talata sa unahan. Ngayon, natuklasan na natin ang katotohanan tungkol sa Dios na Panginoon at sa kaniyang pangalang magisa, ay ipagpatuloy natin ang pagtuklas ng kaalaman tungkol pa rin sa kaniyang pangalan. Sapagka't ngayong alam na natin na ang kaniyang pangalan ay isa ay hindi baga marapat na ating mabatid kung ano ngà yaong pangalang binabanggit? Samakatuwid baga'y "Ano Yaong Kaniyang Pangalan". Sapagka't ang katanungang ano yaon ay iba naman sa tanong ano ang, Kung kaya nga't ating siyasatin sa Kasulatan kung ano ang tumpak na katugunan sa usaping ito, ano nga yaong kaniyang pangalan? Sa aklat ni Isaias kapitolo 42 bersikulo 8 ay ganito ang ating mababasa: Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: sa Amos 5:8 naman ay ganito: [Panginoon ang siya niyang pangalan]; at sa Jeremias 33:2 ay ito ang nakasaad: Panginoon ay siyang kaniyang pangalan: Kung ating papansinin, ay siya sa halip na ay ang; Ang salitang ginamit sa mga talatang ito upang tukuyin ang kaniyang pangalan. Isang malinaw na pagpapaunawà kung ano yaong pinag-uusapan na sa talatang ito ay tumutukoy kung sino at hindi kung ano, kaya't yaong salitang siya ang ating natutunghayan. Mapag-uunawa na ang kaniyang pangalang magisa ay walang dili't iba kundi ang PANGINOON. Mapag-uunawa na ang kaniyang pangalan na PANGINOON ay Mapanibughuin, Ang salitang ito o ang pangalang PANGINOON ay Kamahamanghà, Ito ring pangalang ito ang siyang tinutukoy na Makapangyarihang Dios, Walanghanggang Ama na Siyang Pangulo ng Papayapaan. Itong pangalan NIYA, Ang Pangalang PANGINOON. Marami pang mga salitang tumutukoy kung ano ang tungkulin, gawi, kalikasan at kung ano ang relasyon natin sa pangalang ito. Muli ang lahat ng mga nabanggit sa mga unang talata na ating natunghayan ay tumutukoy sa kung ano ang pangalang ito alalaon baga'y ang pag-uuri sa salita. Kaya naman maliwanag pa sa sikat ng araw na ang kaniyang pangalang mag-isa na "PANGINOON" ay nabunyi. Muli kung ang katanungan ay ano ang pangalan ng Dios? ... Dito'y may maraming mga kasagutan at ito ang ilan sa mga natunghayan na natin sa Biblia: Ang pangalan ng Dios ay... Kamangha-manghà, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walanghanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan, Dios ng mga Hukbo, Mapanibughuin, Kakilakilabot, BANAL at marami pang ibang mga pang-ukol sa pangalang ito. Subalit kung ang katanungan ay ano yaong pangalan ng Dios?... Tunay na sa ganito'y mayroon lamang isang kasagutan: PANGINOON ang siya niyang Pangalan.


   [Ipina-uunawa na ang salitang PANGINOON ay wikang salin mula sa apat na letrang Yod He Vav He /  na matatagpuan sa Orihinal na kasulatang Hebreo. Ang apat na titik na ito ay naitugma (translaterated) sa ating letra na YHVH. Sa sandaling matunghayan sa Biblia ang salitang ito, Panginoon sa malalaking titik, ito ay tumutukoy sa apat na letrang ito ang YHVH na siyang isinulat ni Moises patungkol sa pangalan ng Dios. Sa kalaunan ng panahon ang mga titik na ito ay hindi na mabigkas, at sa ating kapanahunan ay walang nakaalam diumano ng tamang bigkas sa pangalang ito, Subalit ang Banal na Kasulatan na tinatawag natin ngayong Ang Biblia ay nagtuturo kung paano natin mabibigkas ng tumpak ang YHVH na siyang pangalan ng DIOS na ating Panginoon. Sapagka't kung hindi, disin sana'y hindi natin siya matatawag, Sapagka't ayon sa Kasulatan: ang lahat ng nangagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas. Iminumungkahing muling pagbalik aralan ang pahinang nagpapahayag tungkol sa kung ano yaong pangalan ng Panginoon at bigyan ng tapat sa pusong pagbubulay ang mga talata gayon din ang mga pananalitang ginamit upang lubos na mapag-unawa, mabatid at matuklasan ang tunay na paraang ititnuturo ng Biblia patungkol sa tumpak na pagkilala at pagtawag sa pangalan ng Panginoong Dios.] 



Pagkilala sa Kaniyang Pangalan

Ano ang marapat nating Gawin?
Ganito ang sabi ng Kasulatan: Sambahin nawa ang pangalan mo. Mateo 6:9

Paano ang pagsamba?
At ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at katotohanan. Juan 4:24

Sino ang Espiritu?
Ngayon ang Panginoon ay siyang Espiritu: 2Corinto 3:17

Sino ang Katotohanan?
Ang sabi sa Aklat: ang salita mo'y katotohanan. Juan 17:17 Ang kabuoan ng iyong salita ay katotohanan. Awit 119:160

Kung ang salita ay katotohanan, Sino ang Salita?
Nang pasimula siya ang Salita, at ang Salita ay sumasa Dios, at ang Salita ay Dios. Juan 1:1 Sapagka't iyong pinadakila ang iyong salita sa iyong buong pangalan. Awit 138:2

Kung ang Salita ay siyang Dios, at ang kabuoan ng Salita ay pinadakila sa buong Pangalan, Kung gayon sino yaong Pangalan?
Kung palayain nga kayo ng Anak, kayo'y magiging tunay na laya; at ang katotohanana'y magpapalaya sa inyo. Juan 8:36;32

Sino ang Anak na ito na Tagapagpalaya?
Sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo: Galacia 5:1


Ngayon nga ating talastas na, si Cristo ang tinutukoy na Anak, na siyang Tagapagpalaya na ito ay ang Katotohanan na siya rin ang yaong Salita, Ang Salitang ito ay ang kaniyang Pangalan. Kaya't malinaw ang pagkasabi: Sambahin nawa ang pangalan mo.(Hebreo 1:6) Sapagka't SIYA ang yaong nananatili magpakailanman.(1Pedro 1:25; Hebreo 13:8; Awit 72:17)


No comments:

Post a Comment