Nakalalamang sa mga tao ang maging matanong at mapanuklas, Likas din sa kanila ang magkaroon ng kusang takot at paggalang sa mga bagay na kataka-taka at sa ina-akala nilang mas malakas o mas makapangyarihan kaysa kaniya (Colosas 2:18 & Gawa 17:23). Isa ito sa mga dahilan na nagtulak upang mabuo sa kanyang isipan na mayroong Dios. Isang Dios na Gabay na naka-aalam ng lahat na pangyayari at nagpapatakbo ng mga kasaysayan. Hindi ma-ikakaila na bagama't marami ang mga matatalino na nakatuklas ng iba't-ibang mga bagay na bunga ng karunungan, ay may isang Ulò / DIOS pa rin na higit na naka-tataas sa lahat. Isang Makapangyarihan na dapat nating paglagakan ng lubos na tiwala at pag-asa. Ang katunayan ng kaisipang ito ay maraming ibat-ibang uri ng mga Relihiyon ang nabuo sa pagsisikap na maka-abot sa Kaluwalhatian ng Dios na Panginoon. Halos ang lahat sa mga ito ay nagnanais na matamo ang biyaya at pagkalinga ng kanyang Banal na Manlilikhà, Mapapansin na ang bawa't isa sa kanila ay nag-aangkin na sila ang pinili ng Panginoong Dios. Kaya naman hindi maiwasan ang mga pagtatalo at ang maraming mga katanungan na nagbubunga ng mga di pagkaka-unawaan. Sa pagkakataong ito, ay ang Kasulatang Pinanganlang "ANG BIBLIA" ang may pinaka-wastong kasagutan sa mga tanong tungkol sa kabanalan kaya nga tinawag itong Ang Banal na Kasulatan, Bakit? Sapagka't bagama't maraming mga Aklat na ang nangasulat mula noong libu-libong taon na ang nakakaraan at sa pagsasalin-salin ng mga henerasyon ay hindi mapabubulaanan na ang Biblia ang tunay na pinaka sa mga Kinasihang Aklat; Bagaman at karamihan sa mga mahahalagang salita / pangngalan ay binago ng maraming mga Eskriba / Tagapagsalin (Jermias 8:8; Roma 10:4); Binago sa pag-aakalang ang ganoong paraan ay makatutulong sa sino mang makababasa upang umunawa. Isa sa mga katunayan na ang Biblia ang pinaka sa kinasihang mga Aklat ay ang pagiging nananatiling magkaka-ugnay ng bawat aklat o sanaysay bagama't ito ay sinulat ng ibat-ibang mga Lalaki sa ibat-ibang mga panahon at kulturang kinasadlakan, gaya ng nabanggit na. Kaya naman walang pasubali ang pagkatawag sa Kaniya: Ang Salita ng Dios, ito ay sapagka't ang lahat ng mga salitang nakasulat dito ay walang pasubaling pag-aari ng Isa na tinatawag na DIOS. Walang pag-aalinlangan na ito ang nararapat na pagsanggunian sa lahat ng mga usapin tungkol sa Dios o sa isang na umiiral ng walanghanggan. Tulad ng katanungang mayroon ngà bang Dios, ay tiyak ang mga patunay na makikita sa mga Bersikulo nito. Gaya ng nakasulat sa Eclesiastes 12:13... Ito ang wakas ng mga bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Samakatuwid, bukod sa kalikasan at sa mga nakikita natin sa kalawakan ay may matibay ding pagpatotoo Ang Banal na Kasulatan na mayroon ngang Dios (Hebreo 11:6).
No comments:
Post a Comment